Wednesday, July 1, 2009

FIESTA PREPARATIONS

TAYO NANG MAGHANDA PARA SA FIESTA
Fr. Joselino B. Tuazon

Kulang na ang isang buwan at tayo’y magdiriwang na ng ika-58 Fiesta. Ang buwan ng Hulyo ay paghahanda na sa ating pagpaparangal sa ating pintakasi San Roque at pasasalamat sa Diyos sa lahat ng biyaya na kanyang ipinagkakaloob sa atin.
Ang tema ng ating Fiesta ay “Katulad ni San Roque, ang pagiging Alagad ni Krsito, ay pagiging Katiwala”. At sa kapistahan ay isusulong ang “Spirituality of Stewardship (SoS) o Buhay-Katiwala” sa ating Parokya. Bilang paghahanda sa paglulunsad nito, ang LAHAT NG OFFICERS AT MEMBERS NG LAHAT NG PARISH MANDATED ORGANIZATIONS AT GROUPS ay magkakaroon ng SoS Orientation sa July 25, 2009 (Sabado) simula 1:00 PM hanggang 7:00 PM sa loob ng Simbahan.
Ang Karakol ay larawan ng ating paglalakbay sa mundong ibabaw, na sa gitna ng mga pagsubok at suluranin, tanging ang Diyos ang nagtatagumpay, at sa tulong ni San Roque, itinutuon ang ating isipan sa iisang patutunguhan, ang Kaharian ng Langit. Tayo ay patuloy na naglalakbay na may saya at sigla sa mundong ibabaw. Bilang paghahanda sa Karakol (prusisyong may saliw na tugtog at sayaw) sa Zones 14, 15, at 16 sa August 16, 2009 na magsisimula sa patio ng Simbahan sa 6:00 AM at inaasahang matatapos sa loob ng Simbahan sa 4:00 PM, mapapansin ninyo na ang Imahen ni San Roque ay wala sa luklukan nito dahil siya ay ipinapaayos. Halos isang buwan din mawawala ang Imahen na ito sa ating Simbahan. Ipinapagawa na rin ang andamyo na siyang paglalagyan ng Imahen at Relikya ni San Roque. Ang ruta ng Karakol ay inihahanda na ng Karakol Committee. Inaasahan na ang lahat ng lagusan at lansangan na nasasakupan ng Parokya ay daraanan ng Karakol ni San Roque. Mahalagang katangian ng pagsasagawa ng Karakol ay ipinapasa-pasa ang andamyo sa mga taong nakatira sa lugar (lagusan at lansangan) na daraanan ng Imahen at Relikya ni San Roque, habang sinasamahan naman ng taong bayan ang prusisyon na ito. Sa pagpasok ng Karakol sa partikular na kalye, maaari at nararapat na siya ay isayaw at sayawan ng mga taga-roon ayon na rin sa kanilang paghahanda. Ang saliw na musika ay maaaring mula sa music na naka-amplify, sa rondalla, sa drum and buggle, sa ati-atihan, sa marching band, at iba pa. Kaya’t akin nang hinihimok na ang kapitbahayan, sa pamumuno ng mga Barangay Captains at mga Kagawad, na bumuo na ng mga grupo ng mga kalalakihan na magbubuhat ng amdamyo na ipapasa-pasa sa iba’t-ibang lugar. Gayundin, bumuo ng mga grupo ng mga magsasayaw o umiindak na kasama ang taong bayan sa paglakad ng Karakol ni San Roque sa kanilang lugar.
Ang Karakol Committee ay binubuo, in alphabetical order, nina: Agtarap, Enrico (Zone 15 Barangay 140 Captain); Aguilar, Angela (Zone 15 Barangay 138 SK Chairman); Apelanfelix, Delfin (Zone 14 Barangay 114 Captain); Claudio, Arleah (Zone 14 Barangay 113 SK Kagawad); Dela Cruz, Carding (Zone 14 Barangay 119 Captain); Gonzales, Kenneth Teus (Zone 14 Barangay 118 SK Chairman); Janolo, Angie (Public Affairs Minister Zone 16); Laurente, Marina (Zone 16 Barangay 151 Captain); Magbanua, Joseph (Parish Youth Minister); Manaois, Ramon (Grand Knight, Knights of Columbus 11309); Miro, Robustiano Jr. (Knights of Columbus 11309); Padillo, Angeli Marris (Zone 15 Barangay 140 SK Chairman); Piñon, Daniel (Zone 15 Barangay 136 Kagawad); Robles, Justin (Zone 16 Barangay 150 SK Chairman); Roque, Ding (Public Affairs Minister Zone 15); Sison, Pete (Public Affairs Minister Zone 14); Tellez, Gilbert (Zone 16 Barangay 156 SK Chairman); Varona, Divina (Zone 16 Barangay 156 Captain).
Ang mga Officers at Members ng Parish Mandated Organizations ay mamimigay sa mga kapitbahayan ng mga San Roque Stickers kung saan nakalagay doon ang tema at ang mahahalagang activities ng Simbahan. Salamat po sa donasyong P20.00 pataas na inyong ibibigay sa kanila. Mangyaring ating suportahan din ang ibang solicitations ng Simbahan: Fiesta Envelopes at Fiesta Solicitation Letters. Ang malilikom ay gagamitin sa mga gawaing pang-Fiesta at iba pang pagawain ng ating Simbahan. Gayundin, yung mga nagnanais na mag-sponsor ng Novena Masses ay maaari nang makipag-alam sa ating Parish Office.
Patnubayan tayo ng Diyos sa ating mga paghahanda.

KARAKOL

KARAKOL KAY SAN ROQUE
Fr. Joey B. Tuazon

Ecclesiastes 3:1.4 There is an appointed time for everything, and a time for every affair under the heavens. A time to weep, and a time to laugh; a time to mourn, and a time to dance.

Ang salitang KARAKOL ay hango sa salitang español (CARACOL) na ang ibig sabihin sa English ay “snail” at sa Tagalog ay “suso.” Ang Karakol ay isang devotion sa prusisyon. At ito ay ginagawa nang pasayaw. Ang pagsasayaw sa Banal na Kasulatan ay hindi lamang pagpaphayag ng kasiyahan, ito ay pagpapahayag ng pagkilala sa kadakilaan ng Diyos. Tulad ng ginawa ni Miriam at mga kasamang babae, ang kapatid ni Moises, nang sila ay tumawid na sa Dagat na Pula tungo sa kanilang kalayaan mula sa mga Ehipsiyo (Exodus 15:13,20-21). Katulad ng ginawa ni Haring David sa pagsayaw sa harap ng Tabernakulo sa Jesuralem (2 Samuel 6:13-15).
Bilang pasasalamat sa Diyos, sa kanyang kadakilaan sa pagbibigay sa atin kay San Roque, at bilang pagtanaw sa ika-100 taon ng pag-iral ng Parokya, sa taong ito, 2009, ay sisimulan ang KARAKOL KAY SAN ROQUE. Ang Karakol ay gagawin lamang sa mga taon na kung kailan ang Fiesta ay tumapat sa araw ng Linggo at sa mga taon ng tanging anibersaryo ng Parokya tulad ng ika-60, ika-70, ika-75, ika-80, ika-90, at ika-100 taon.
Kaya’t simula sa 2009, tayo ay bibilang ng LABINDALAWANG TAON NG KARAKOL KAY SAN ROQUE TUNGO SA IKA-ISANG DAANG TAONG PAG-IRAL NG PAROKYA at ito ay ang mga sumusunod: First Karakol Year: August 16, 2009 SUNDAY 58th Year; Second Karakol Year: August 16, 2011 Tuesday (August 21, 2011 SUNDAY) 60TH Year; Third Karakol Year: August 16, 2015 SUNDAY 64th Year; Fourth Karakol Year: August 16, 2020 SUNDAY 69th Year; Fifth Karakol Year: August 16, 2021 Monday (August 22, 2021 SUNDAY) 70th Year; Sixth Karakol Year: August 16, 2026 SUNDAY 75th Year; Seventh Karakol Year: August 16, 2031 Saturday (August 17, 2031 SUNDAY) 80TH Year; Eighth Karakol Year: August 16, 2037 SUNDAY 86th Year; Ninth Karakol Year: August 16, 2041 Friday (August 18, 2041 SUNDAY) 90th Year; Tenth Karakol Year: August 16, 2043 SUNDAY 92nd Year; Eleventh Karakol Year: August 16, 2048 SUNDAY 97th Year; Twelfth Karakol Year: August 16, 2051 Wednesday (August 20, 2051 – SUNDAY) 100th Year.
Ang Unang Karakol kay San Roque ay pamumunuan ng Karakol Committee na binubuo ng labing-18 tao na siyang magsasaayos ng ruta ng prusisyon at paghahanay-hanay ng mga grupong makikiisa at magsasayaw sa Karakol. Sila rin ang makikipag-ugnayan sa mga kinauukulan para sa kaayusan at kaligtasan ng mga magsisisayaw sa Karakol. Ang 18-Member Karakol Committee ay binubuo ng mga sumusunod: Three current Public Affairs Ministers (3 persons); Three Lay Leaders from the Parish Church to be appointed by the Parish Priest (3 persons); Two Barangay Captains from each respective Zone (14, 15 and 16) to be selected by the Barangay Captains themselves (6 persons); Two SK from each respective Zone (14, 15 and 16) to be selected by the SK themselves (6 persons). Ang committee na ito ay Special Committee ng Parish Pastoral Council para sa Karakol Year.
Ang mga grupong sasali sa Karakol ay ia-assign kung kailan at kung saan lansangan sila magsasayaw sa harap ng Imahen at Relic ni San Roque. Ang mga grupo ay hindi lamang manggagaling sa Simbahan, hinihimok na ang mga kapit-bahayan sa isang kalye ay maaring bumuo ng grupong magka- Karakol. Gayun din ang bawat Barangay ay maaaring bumuo ng kanilang grupo upang makiisa sa Karakol. Hindi kinakailangang nakasaya, ang mga grupo ay maaring magsuot ng iisang kulay na t-shirt, sombrero, payong, o makulay na palamuti sa katawan, na siyang mag-identify sa kanilang grupo. Mas marami ang miyembro ng grupo, mas masaya. Nilalayon sa araw ng Karakol na si San Rqoue ay mai-prusisyon sa lahat ng lansangan ng Parokya. Dahil si San Roque ay hindi ilalagay sa Caroza, inaasahan na sa bawa’t kalye na siya ay dadaan, ang mga kalalakihan o pati ang mga babaeng nais na magbuhat ng “andamyo” ay manggaling sa kalyeng daraanan ng Karakol.
ANG KARAKOL AY ISASAGAWA RAIN OR SHINE. SA AUGUST 16, 2009, SUNDAY, MAGKAKAROON NG 5:00 AM MASS SA SIMBAHAN AT SA GANAP NA 6:00 AM, ANG KARAKOL AY SISIMULAN. INAASAHAN NA SI SAN ROQUE AY MAKABALIK SA SIMBAHAN BAGO DUMATING ANG 4:30 PM, SAPAGKAT ITO ANG MARINGAL NA MISA NG FIESTA NA PAMUMUNUAN NI BISHOP BRODERICK PABILLO. ANG MISA SA SIMBAHAN SA AUGUST 16, 2009 AY ANG MGA SUMUSUNOD: 5:00 AM (WALANG 6:00 AM, ITO ANG LABAS NI SAN ROQUE SA SIMBAHAN AT SIMULA NG KARAKOL), 7:30 AM, 9:00AM, 4:30 PM MARINGAL NA FIESTA MASS, 6:00 PM, AT 7:00 PM.
Ang iba pang detalye ay ia-announce sa mga darating na panahon ng Karakol Committee. Sa ngayon pa lang, hinihimok kayo na pag-isipan na kung paano bubuo ng grupo, sinu-sino ang magbubuhat ng andamyo, at kung paano gagawin ang Karakol sa inyong kalye pagdaan ni San Roque.

Psalm 149:3 Let them praise his name in festive dance, make music with tambourine and lyre.

Psalm 150:4 Give praise with tambourines and dance, praise him with flutes and strings.

Jeremiah 31:13a Then the virgins shall make merry and dance, and young men and old as well.